By Jude Sagun
MAYNILA — Inanunsyo na ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang apat pang mga pelikulang mapapanood sa 48th year edition nito sa kapaskuhan.
Kasama sa mga dumagdag ang Psychological/Horror film ng Viva Films na ‘Deleter,’ tampok sa naturang pelikula si Nadine Lustre, ang drama film ng Cineko Productions na ‘Family Matters’, ang action film na ‘Mamasapano: Now It Can Be Told’ ng Borracho Film at ‘MY FATHER, MYSELF’ ng 3:16 Media Network.
Trending agad ang pelikulang ‘Deleter’ sa direksyon ni Mikhail Red na sorpresang ipapalabas sa MMFF. Unang naiulat na 2023 pa maipapalabas ang nasabing pelikula.
Unang inanunsyo ng MMFF noong Hulyo ang pagkakabilang ng mga pelikulang, “Partners In Crime,” at “Labyu, With an Accent,” ng Star Cinema, “Nanahimik ang Gabi” ng Rein Entertainment at “My Teacher” ng TEN17P.
Ayon sa MMFF, pinangungunahan ni Boots Anson-Rodrigo ang Selection Committee na pumili sa 8 mga pelikula, pinili ito base sa – Artistic Excellence – 40%, Commercial Appeal – 40%, Filipino Cultural Values – 10% and Global Appeal – 10%.
Inimbitahan rin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at MMFF Concurrent Acting Chairman Engr. Carlo Dimayuga III ang mga movie goer na tangkilikin ang MMFF, na naging bahagi na ng tradisyon ng mga Pilipino tuwing Pasko.
“Let us watch the MMFF in theaters once more. We are happy with the list of entries, which has a wide mix of genres. We are excited and looking forward to MMFF 2022 becoming a success,”ani Dimayuga.
Magkakaroon ng Parade of Stars sa Quezon City bago ipalabas ang mga pelikulang ito sa December 25, 2022 hanggang January 7, 2023. Habang December 27 naman gaganapin ang Gabi ng Parangal.
