Share:

By Frances Pio

––

Nag-alok ng P500,000 cash reward ang outgoing governor ng Misamis Oriental sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mga suspek, maging ang utak, sa pagpatay sa isang radio blocktime anchor sa Cagayan de Oro.

Patay ang 62-anyos na radio block-time anchor na si Federico Gempesaw noong Miyerkules, Hunyo 29, ng hindi pa nakikilalang motorcycle riding-in-tandem gunmen ilang hakbang ang layo mula sa kanyang tirahan sa Sitio Macanhan, Barangay Carmen sa Lungsod ng Cagayan de Oro.

Mariing kinondena ni outgoing governor at Misamis Oriental Second District Representative-elect Yevgeny Vicente Emano at ng kanyang political party na PaDayon Pilipino ang pagpatay sa radio anchorman.

Inilarawan ni Emano si Gempesaw bilang isang mabait at masipag na tao noong panahong siya ay nagsilbi sa city hall bilang isang public servant sa ilalim ng administrasyon ng kanyang yumaong ama na si dating Cagayan de Oro City Mayor Vicente Emano.

Inalala ni Emano na walang kaaway si Gempesaw. Gayunpaman, hindi niya isinasantabi ang posibilidad na may mga taong malamang naapektuhan sa kanyang mga komentaryo.

“It’s hard to speculate, but maybe there are people who got affected by his sayings on air,” ika ni Emano.

“These people who are affected, are the real people who have bad deeds and deserve to be criticized on air,” dagdag pa niya.

Inatasan na ni Col. Aaron Mandia, ang direktor ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), si Maj Mario Mantala Jr., ang hepe ng Carmen police station, na magsagawa ng follow-up investigation at hot pursuit operation.

Ayon kay Mantala, base sa salaysay ng ilang testigo ang gunman ay nakasuot ng brown striped shirt na may brown shorts at naka-helmet, habang ang driver ay naka-black jacket at naka-sumbrero.

Hinimok ni Mandia ang publiko na agad na makipag-ugnayan sa pulisya kung makakatanggap sila ng anumang impormasyon na makakatulong sa mga awtoridad upang mahanap ang mga suspek.

Leave a Reply