By Christian Dee

MAYNILA – Anim na pasahero ang namatay matapos maaksidente noong Biyernes, Enero 27, ang isang pampasaherong jeep sa bayan ng Castilla, sa probinsya ng Sorsogon.

Bumangga ang sinasakyang jeep ng mga biktima sa isang cargo truck na ayon kay Lt. Col. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng pulisya ng Bicol, ay nangyari bandang alas-3:45 ng hapon sa Barangay San Rafael sa naturang lugar.

Base sa ulat ng pulisya, sinabi ni Calubaquib na patungong Sorsogon City ang jeep, mula sa Legazpi City, nang mag-counter-flow ang driver sa isang kurbadang daan.

Isang Isuzu wing van ang sinalpukan ng pampasaherong jeep.

Nakilala rin ang mga nasawi na sina Amparo Bajaro, Heidi Albao, Marible Pardillo, Karen Maquinana, Erik Dino Deonida, at Janelle Abarientos.

Idineklara namang dead on arrival sa ospital ang mga nabanggit.

Sina Pardillo at Karen Maquinana ay parehong guro sa San Rafael National High School.

Maliban sa mga namatay, ang labing-apat na mga biktima naman ay nagtamo ng sugat matapos ang nangyaring insidente.

Kabilang sa mga sugatan ay ang drayber na si Rodolfo Licup.

Dinala naman ang mga ito sa Sorsogon Provincial Hospital para sa kanilang pagpapagaling.

Ang drayber naman ng truck ay dinala na kustodiya.

Leave a Reply