By Christian Dee
MAYNILA – Pagbibidahan ni Andrea Brillantes ang isa sa mga iconic na teleserye sa Pilipinas na “Dyesebel” na ipapalabas sa ABS-CBN sa taong 2023.
Ito ay napag-alaman ng publiko matapos itong isiwalat ng talent manager at komedyanteng si Ogie Diaz sa kanyang vlog na inilabas nitong Linggo, Disyembre 11.
“Sa 2023 abangan na kung sinong gaganap na Dyesbel,” ani Diaz.
“Syempre iyan ay walang iba kung ‘di si Andrea Brillantes,” dagdag pa niya.
“Andrea, good luck sa pagiging Dyesebel mo ‘no? Kasi ‘yong iba nagtatanong kung marunong bang mag-swim si Andrea. Yes, marunong mag-swim,” pagbati sa aktres at pagbibigay-alam ng nasabing talent manager sa mga manonood kaugnay ang pagiging diver ng ina, Belle, ng aktres.
Hindi pa naisisiwalat sa kasalukuyan kung sino ang gaganap na leading man ni Brillantes sa nasabing teleserye ngunit mungkahi ni Diaz na si Ricci Rivero, ang kasintahan ng aktres, ang gumanap.
Matatandaang huling ipinalabas ang fantaseryeng “Dyesebel” noong taong 2014 na pinagbidahan ni Anne Curtis.
Ang iba pa sa mga gumanap sa Mars Ravelo’s Dyesebel ay Vilma Santos, Alma Moreno, Alice Dixson, Charlene Gonzales at Marian Rivera. (Photo source: Andrea Brillantes/Instagram)
