Patuloy ang pagdagsa ng pakikiramay sa pamilya ng naulila ng isa sa pinakamahusay at pinaka hinahangaan sa industriya ng sining, ang Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces.
Biyernes ng gabi, Mayo 20 ng opisyal na inanunsyo ng anak nito na si Senador Grace Poe na Pumanaw ang beteranang aktres sa edad na 80 dahil sa komplikasyon sa puso.
Ipinanganak si Jesusa Purificacion Levy Sonora noong Hulyo 28, 1941 sa Bacolod City at nagsimulang ipamalas ang kanyang galing sa pag-arte sa takilya taong 1950’s noong siya’y 11 taong gulang pa lamang. Binasagan din siyang “The face that refreshes,” dahil sa tinataglay nitong kagandahan.

Una siyang natunghayan sa Pelikula noong 1952 sa “Mga Bituin ng Kinabukasan” na idineher ni Jose Nepomuceno. Nasaksihan siya sa mahigit 130 pelikula kung saan marami sa mga ito, nakatambal niya ang kanyang naging kabiyak na si “Da King” Fernando Poe Jr.

Ang Mano Po 2: My Home ng Regal Films ang huling pelikulang pinagbidahan ni Roces. Matapos ang ilang dekadang pamamayagpag sa pelikula, sa mga teleserye naman niya ipinagpatuloy ang pagpapamalas ng kanyang hindi matatawarang talento.
Nagawa niya ang TV series ng kanyang dating pinagbibidahang pelikula na “Patayin sa Sindak si Barbara” noong 2008. Taong 2012, nakasama niya ang aktor na si Coco Martin sa kauna-unahang pagkakataon sa hit seryeng “Walang Hanggan.” Nakasama niya rin si Bea Alonzo, at dating nakatambal na si Eddie Garcia sa teleseryeng “Sana Bukas Pa ang Kahapon.”
2015 nang muli silang magsama ni Martin sa isang proyekto bilang si Lola Flora sa Action Drama Series na “Ang Probinsyano,” na kasalukuyan parin na ipinapalabas sa ABS-CBN. Huling nakita ang karakter ni Lola Flora, buwan ng Enero ngayong taon. Maraming sa mga fans ang ikanalungkot na hindi na muling makakabalik pa ang karakter ni Lola Flora sa serye bago pa man tuluyang magwakas ang kwento nito.
Sa kanyang pitong dekadang pamamayagpag sa pelikula at telebisyon, limang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (Famas) ang kanyang natanggap. Tumanggap din siya ng Lifetime Achievement Award mula sa The Film Academy of the Philippines.
Naging makulay man ang naging buhay ni Roces bilang isang magaling na artista, ilang mga pagsubok din ang kanyang napagdaanan, isa na rito ang pagtakbo ng kanyang asawang si FPJ bilang pangulo ng Pilipinas noong 2004, kung saan iprinotesta nila ang umanoy dayaan sa eleksyon laban sa naupong pangulo noon na si Gloria Macapagal Arroyo. Taong 2004 din ng biglaang mamayapa ang Hari ng Pelikulang Pilipino.

Huling nasilayan si Roces nitong Pebrero sa paggawad sa kanya ng special-edition stamp ng Philippine Postal Corp., bilang pagbibigay pugay sa kanyang ambag sa larangan ng industriya ng sining.
May 19, nang dalhin sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City si Roces dahil sa pagsusuka at kawalan ng ganang kumain, mahina na rin daw ang immunity level nito at nanghihina na ang katawan. Nagsagawa ng procedure ang mga doktor matapos ang mga pagsusuri at napag-alaman na may tumor si Roces sa kanyang tiyan, ngunit huli na bago paman ito maagapan.
Bumuhos ang pakikiramay ng mga kaibigan, artista at ang mga taga suporta ni Roces sa kanyang lamay sa Heritage Memorial Park, Taguig City, kung saan marami sa mga ito ang gumunita sa ‘di malilimutang mga sandali ng buhay ng nag-iisang Queen of Philippine Movies.
Inilagak ang mga labi ni Roces sa tabi ng puntod ng kanyang yumaong asawang si FPJ noong Huwebes, Mayo 26, 2022, sa Manila North Cemetery.

