By Christian Dee
MAYNILA – Nagpahayag ng pagkadismaya ang asawa ni yumaong Negros Oriental Governor Roel Degamo na si Pamplona Mayor Janice Degamo dahil sa naging desisyon ng kumite sa Senado, base sa sulat nito kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Pinayagan kasing dumalo sa pagdinig si Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. nang birtwal lamang.
“I am writing to express my disappointment regarding the upcoming Senate Hearing. I along with the previous victims of killings, land grabbing, harassment, and more, will be attending the hearing personally, sacrificing our time, effort, money, and security just to ensure that our voices are heard, and our concerns are addressed,” sulat ni Degamo.
Ani Degamo, dismayado ang kanilang kampo nang malaman na pinayagan si Teves na dumalo sa pamamagitan ng social media teleconference software program sa pagdinig na nakatakda ang pagdinig ng Senate public order and dangerous drugs committee sa Lunes.
“We were dismayed to find out that Congressman Arnulfo Teves was allowed to join the hearing through Zoom/teleconferencing,” saad niya sa liham.
“This decision has greatly affected the [victims] who strongly disagree with such an accommodation,” dagdag pa ni Degamo.
Hindi patas para kay Degamo at sa mga dadalo nang personal ang naging hakbang para payagang makadalo si Teves nang birtwal.
“Cong. Teves is a fugitive. He should not be afforded such accommodation,” giit ni Degamo sa kanyang liham.
Apela ni Degamo sa Senado na muling isaalang-alang ang kanilang naging desisyon.
Tatalakayin daw ito sa miyembro ng kumite ayon kay dela Rosa bago pa magsimula ang pagdinig.
Hinihinalang mastermind si Teves sa pagpatay kay yumaong Gov. Degamo, ngunit itinanggi rin ng suspendidong mambabatas ang akusasyon laban sa kanya.
