By Frances Pio
––
Mananatiling legal ang paggamit ng bagong P1,000 bill na may tupi o gusot, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Umingay ang isyu matapos dumagsa ang mga reklamo sa social media patungkol sa kanilang mga natuping polymer banknotes na hindi tinanggap sa ilang mall at establisyimento.
Ang mga banknotes – gawa man mula sa papel o polymer – na natupi o nagusot ay dapat tanggapin ng mga bangko at mga negosyo, lalo na ang mga retailer para sa mga transaksyon, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Martes.
Naglabas ang BSP ng advisory kasunod ng mga kuwento na ang isang retailer ay tumangging tumanggap ng 1,000-peso polymer banknote, bahagi ng mga bagong bill na pumasok sa sirkulasyon noong Abril, dahil ito ay nakatiklop.
Naging usap-usapan din ng mga netizens ang tungkol sa isang post sa social media mula sa pulisya na nagsasaad ng mga “ipinagbabawal” na mga gawi sa paghawak ng polymer bill na maaaring magdulot sa kanila ng pagkakulong.
Naglabas ang Bangko Sentral noong nakaraang buwan ng mga alituntunin sa wastong paghawak ng mga polymer banknote, tinatalakay ang “Dos and Don’ts” sa paghawak ng mga bagong banknote.
Kabilang dito ang paglalagay ng mga pera sa mga bi-fold na wallet kung saan magkakasya nang maayos at mapanatili itong malinis.
Pinayuhan din ng BSP ang mga gumagamit na, “not to deface or write on the polymer banknotes; “not excessively” fold, crease or crumple them as “these could leave permanent fold marks”; not tear, cut or poke holes in them, and not to staple them or use rubber bands to hold them together”.
Pinayuhan din ang mga gumagamit na huwag gumamit ng plantsa ng damit upang subukang tanggalin ang mga tupi o gusot.
Pinayuhan din sila na huwag sirain ang clear windows, metallic features, at iba pang mga security features ng mga polymer banknotes.
Sinabi ng Bangko Sentral na ang mga alituntuning ito sa paghawak ay hindi lamang para sa mga bagong polymer banknotes kundi pati na rin sa mas lumang paper-based na mga peso bill.