By: Christian Dee
Para makapagbigay-daan sa isasagawang Metro Manila Subway project, simula Oktubre 3, 2022 hanggang fourth quarter ng 2028, ipinasara na ang bahagi ng Meralco Avenue.
Bagaman, anim na taon mang mananatili itong sarado, inabisuhan naman ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang mga motorista na maghanap na lamang ng alternatibong ruta kung patungo sa Pasig at Mandaluyong.
Sabi ni MMDA Task Force Special Operations Chief Bong Nebrija, hindi magandang biro ang mga nadadagdag na volume sa kahabaan ng Capt. Henry Javier, D. Floro St. at pati Julia Vargas kaya nakiusap na maghanap na lang ng iba pang madaraanan.
Matatandaan ring nagbigay ng abiso noong nakaraang buwan ang Department of Transportation na maging alternatibong daan ang mga sumusunod dahil sa pagsara ng naturang kalsada:
• Ang Public Utility Jeepneys (PUJs) mula Meralco Avenue papuntang Shaw Boulevard ay maaring dumaan sa Captain Henry Javier St. hanggang Danny Floro St. at vice versa;
• Ang Modernized Jeepneys mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay maaring dumaan sa Doña Julia Vargas Avenue hanggang San Miguel Avenue at pabalik;
• Ang mga UV Express units naman mula Meralco Avenue papuntang Shaw Boulevard ay inilipat ang ruta sa Doña Julia Vargas Avenue papuntang San Miguel Avenue o Anda Road hanggang Camino Verde;
• Ang mga pribadong sasakyan naman ay maaring dumaan sa lahat ng mga naturang kalsada.
