Sa kabila ng mga haka-haka patungkol sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte, makikita sa post ni Sen. Bong Go na tila ito ay nasa maayos na kondisyon habang nakasakay sa bago niyang motorsiklo. Bukod dito ay may video din kung saan makikita na nagjojogging ang pangulo na indikasyon na maayos ang kalusugan nito.
“Mga kababayan ko, malungkot at mahirap ang maging Pangulo sa panahong ito. Suportahan natin si Tatay Digong, ang taong totoong nagmamahal sa ating kapwa Pilipino,” ayon sa post ni Sen. Bong Go.
Matatandaan na ilang beses kinansela ang pagsasalita ng Pangulo sa harap ng publiko nitong mga nakaraang araw lamang at dito na nga nagsimula ang mga haka-haka ng tao na may sakit si Duterte. Agad naman itong pinabulaanan ni Sen. Bong Go sa pamamagitan ng pag post ng larawan kung saan makikita na tila maraming inaasikasong papel ang Pangulo.
Ayon kay Go, kinansela ang pagsasalita ng Pangulo dahil nga sa mga nagpositibo sa Covid-19 na miyembro ng Presidential Security Group.