By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ng Bank of the Philippine Islands (BPI) sa isang pagsisiwalat sa stock exchange na bumalik na sa normal at maari nang ma-access muli ang kanilang website at mobile application.
Ito ay matapos na umulan ng reklamo kahapon, Enero 4, mula sa mga customer ng bangko at ng mga netizens na hindi anila mabuksan ang mobile app nito at mayroon pang double posting ng mga transaksyon.
Nitong Huwebes naman, sinabi ng BPI na ang nakaraang glitch kung saan dawit ang dobleng posting ng transaksyon ng mga customer ay walang ‘material impact’ sa negosyo.
“There was no material impact to the Bank’s business, financial condition, and operations,” anang BPI.
Bukod dito, pinasalamatan naman din ng BPI sa isa pang pahayag ang mga customer nito at ang mga stakeholder para sa pasensya at pang-uunawang ibinigay sa nangyaring insidente.
“No one is ever perfect, and when you stumble, you admit and address,” ani BPI President and CEO Jose Teodoro K. Limcaoco.
“This incident only strengthens our resolve to always pursue excellence, uphold the highest banking standards, and repay the trust and confidence our customers place in us,” dagdag pa niya.
