By Christian Dee
MAYNILA – Pinagbabaril ang isang punong barangay sa Cebu at ang kanyang asawa ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem sa Cebu nitong Martes ng umaga, Marso 14.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Barangay Manguiao, Asturias Captain Mario Delfin Tundag, 57-anyos, at Edna Awit Tundag, 49-anyos.
Ayon kay Police Major Alden Zambrano, hepe ng Asturias Police Station, nakasakay sa motorsiklo ang mag-asawa nang mangyari ang pamamaril.
Sapul naman sa CCTV camera ang pagsunod sa mag-asawa ng isa pang motorsiklong sakay ang dalawang suspek bandang alas-9:00 nitong Martes sa Barangay Poblacion Uno.
Bumuntot ang mga salarin sa sinasakyan ng mag-asawang Tundag at nang makalapit ito, binaril ng nakaangkas mga biktima.
Agad namang tumaliwas ng daan ang mga suspek mula sa lugar ng krimen nang bumagsak na sa kalye ang mag-asawang agad ding nasawi.
Ayon kay Zambrano, isa sa mga tinitingnang anggulo ang politika.
Patuloy naman ang mga awtoridad sa imbestigasyon para matukoy ang motibo sa pagpatay.
