By Christian Dee
MAYNILA – Gustong itaas ng Commission on Elections (COMELEC) hanggang sa P10,000 ang honorarium para sa mga poll workers.
Ayon kay Commissioner George Garcia sa isang pahayag sa Dobol B TV, gagawa ng paraan ang COMELEC upang maitaas ang matatanggap ng mga poll workers.
Aniya, sa halip na P6,000 para sa chairman, P5,000 para sa mga miyembro, at P4,000 para sa mga nagtatrabaho sa presinto, gagawin ng naturang Komisyon ang lahat para ito ay tumaas.
“Gagawin po ng Comelec ang lahat upang maging P10,000, P9,000, P8,000 ang kanilang po matatangap sa araw ng halalan dahil nga po ito ay manual na,” aniya.
Maliit na halaga na lamang kasi ang natitira sa mga poll workers matapos bawasan ng tax kaya nais itong maitaas, ayon kay Garcia.
