Kinuwestyon sa Senado ang paggastos ng magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani ng mahigit P1.8-million para sana sa isang chartered flight palabas ng bansa.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, nakakapagtakang nakapaglabas ng malaking halaga ang Dargani siblings na nagbayad lamang ng low income taxes noong taong 2020.

Inilabas ni Hontiveros ang kopya ng resibo mula sa Seletar Jet Charter Singapore na nagpapakita na nakapagbayad ang magkapatid ng $37,000 o tinatayang P1.87 million para sa isang chartered flight patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

“Again, sana all. Parang nag-book lang ng halagang P2 milyong biyahe sa app…. Kung kinaya ng mga Darganis na magbayad ng ganyang halaga, na halos P2 million para sa isang chartered flight, mukhang hindi tama ang income tax na binayaran nila,” ani Hontiveros.

Kasalakuyang nakadetena sa Senado ang Dargani siblings matapos silang mapigilan ng Senate security personnel na makalabas ng bansa noong Nobyembre 14 sa Davao City.

Naglabas ng arrest warrant ang Senado para sa magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani matapos tumanggi ang dalawa na ilabas ang mga hinihinging dokumento ng mga senador patungkol sa financial dealings ng kompanyang Pharmally.

(By: Aj Lazaderas Avila)



Leave a Reply