Payo ng isang medical expert mula sa National Task Force ng gobyerno laban sa coronavirus na ang indoor dining ay dapat na limitado sa mga indibidwal na fully vaccinated, mga may natural immunity sa sakit, at mga hindi mabakunahan dahil sa mga kondisyong medikal.
Sa Laging Handa briefing, tinanong si Dr. Ted Herbosa ng National Task Force against COVID-19 kung sinusuportahan niya ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga taong nag-aalangan na tumanggap ng bakuna laban sa COVID-19 ay dapat na bawalan sa loob ng mga restaurant at resort.
“‘Yan ay parang proteksyon natin sa mga kliyente ng isang establishment ‘no. I’m sure ‘yang mga restaurant na ‘yan nag-o-offer ng alfresco or open air for the unvaccinated,” reaksyon ni Herbosa.
“‘Yung ayaw magpabakuna ay payag ako na du’n muna sila sa labas kumain para hindi rin sila makahawa,” dagdag pa niya.
Nitong Nobyembre 22, humigit-kumulang 33.8 milyong indibidwal ang fully vaccinated na sa bansa, ito ay katumbas ng 43.88 porsiyento ng target ng bansa na 77 milyong katao. (By: Frances Pio)
