By: Aj Lanzaderas Avila
Dahil sa mga pagbabagong dulot ng pandemya sa sistema ng edukasyon, nangako si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na pag siya ang nahalal na pangulo ng bansa, ibibigay ng kanyang administrasyon ang mga kinakailangang gamit ng mga estudyante at guro upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa.
“In our own little way, bilang isang batang galing sa squatter, masakit mapagkaitan ng edukasyon, napakahalaga ng edukasyon sa kahit sino mang tao, lalo na yung mahirap. Kaya noong nagkaroon ng pandemya, ang Maynila, we provided free bandwidth and laptops for teachers, tablets for our students, para ma-bridge, matulay natin, maitawid natin yung pag-aaral ng ating mga kabataan,” sinabi ni Moreno sa ginanap na Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) Presidential Candidates Forum.
Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pamimigay ng mga laptop at tablet sa mga estudyante at guro, gayundin ang libreng bandwith sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ng Maynila.
Ang mga estudyante din umano sa mga city-owned colleges sa lungsod ay binibigyan ng P500 na financial assistance kada buwan.
Ayon pa kay Moreno, gagamitin ng kanyang administrasyon ang oportunidad na kaakibat ng face-to-face classes, upang makapagpatayo ng mas marami pang pampublikong paaralan sa bansa, tulad ng kanyang ginawa sa Maynila.
“At the same time, we took the opportunity, yung ating disadvantage na no face-to-face, gamitin natin yung pondo ng gobyerno na magtatag ng mga eskwelahan na 10-storey, fully airconditioned with enough proper facility for the next generation,” saad ni Moreno.
Sa ilalim ng liderato ni Moreno sa Maynila, kasalukuyang itinatayo ang tatlong modernong 10-storey public school buildings sa lungsod: Ang Dr. Alejandro Albert Elementary School, Rosauro Almario Elementary School, at ang Manila Science High School, na mayroong mahigit 200 airconditioned classrooms, basketball courts, gyms at roof deck.
“And that’s the same thing that we will do in the entire country. Pag meron pang pandemya at mahirap pa ang face-to-face, we will continue to do the same in the entire country,” salaysay ni Moreno.
Isa ang edukasyon sa 10-point Bilis Kilos Economic Agenda ni Moreno na naglalayong siguruhin na handa ang mga kabataang Pilipino sa Industry 4.0.
Ayon kay Moreno, upang maisagawa ito, kanyang tataasan ang budget-to-GPD ratio para sa edukasyon mula sa kasalukuyang 3.4% sa 4.3%, palalawakin ang “accessibility” sa de-kalidad na edukasyon, babaguhin ang curricula sa lahat ng academic levels, at magpopokus sa science, technology, engineering, at mathematics o (STEM) program.
Ipinangako rin ni Moreno ang national fiber backbone upang masiguro na ang lahat ng mga Pilipino ay mayroong “reliable internet connectivity.”
Unang pinasok ni Moreno ang mundo ng pulitika bilang konsehal noong siyang nasa edad 23 pa lamang bilang isang high school graduate.
Kalauna’y sinikap makatapos ng kolehiyo at nakakuha ng degree sa Business Administration sa International Academy of Management and Economics (IAME).
Ipinagpatuloy rin ni Moreno ang kanyang pagaaral at pumasok sa prestihiyosong Harvard University sa ilalim ng Executive Education Program at Strategic Leadership Program sa Oxford University.
Mayroon ding dalawang taon si Moreno sa Arellano University law school at Local Legislation and Local Finance sa University of the Philippines’ National College on Public Administration and Governance (UP-NCPAG).
