By Christian Dee

MAYNILA – Naaresto ang isang suspek matapos mapagtripan ang isang delivery boy sa Brgy. Amihan sa Quezon City. Samantala nakatakas naman ang kasabwat nito at kasalukuyang pinaghahanap na ng mga awtoridad.

Patalim ang itinutok sa dibdib ng delivery boy ni alyas Nognog ayon sa biktima nang makasalubong niya ang holdaper sa isang madilim na bahagi ng Batino Street sa naturang barangay.

Pinilit ding kinuha ng holdaper sa bulsa ang cellphone ng biktima na kaniyang pinag-ipunan nang ilang buwan sa halagang P12,000. Matapos alisin ni Nognog ang patalim, hinabol ito ng biktima para mabawi ang nakuhang gamit mula sa kanya ngunit ibinigay na pala nito ang mga ninakaw kay alyas Russel, ang kasabwat ng suspek.

Ani ng biktima, ngayon lamang ito nangyari sa kanya kahit apat na taon na siyang dumadaan sa lugar.

Nakatawag din nang agaran ng pulis nang makiusap siyang tulungan ng taumbayan ngunit lubos na kinabahan naman ang kaniyang ama dahil sa nangyari sa pangalawa sa apat niyang mga anak.

Matipid man ang suspek sa pahayag, pero aminado namang siyang ginawa ang krimen dahil umano sa pang-uudyok sa kaniya ng barkada.

Nang tanungin ang suspek ng pulis kung bakit niya ginawa iyon, “Wala lang po. Trip lang po,” sagot ni Nognog.

Ayon kay P/Lt. Colonel Ritchie Claravall, “Sa kagandahan naman, may mga pulis tayo diyang naka-deploy sa kalsada, which is ang response time ay napakabilis. So, naaresto kaagad ‘yong suspek.”

Pakiusap naman ng biktima na sana maibalik pa ang kaniyang cellphone at baka may pag-asang patawarin pa niya.

Leave a Reply