By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno nitong Martes, Marso 7, na mamamahagi ang pamahalaan ng P1,000 sa mahigit 9 milyong sambahayan.
Aniya, ang P500 na ibibigay sa dalawang buwan ay para makatulong sa mga mamamayan na makayanan ang tumitinding inflation sa bansa.
Para kay Diokno, napakahalagang ipagpatuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangan dahil mataas ang inflation rate.
Ayon sa ahensya, noong nakaraang buwan, Pebrero 2023, umabot ng 8.6 porsyento ang inflation rate sa bansa dahilan pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ngunit nananatili pa ring pangunahing sanhi ng mataas na inflation, ayon sa DOF, ang pagkain, kuryente, gas, at iba pang mga produktong petrolyo.
Gayunpaman, ang inisyatiba ng pamahalaan ay patuloy pa rin para matugunan ang epekto ng inflation sa mga mamamayan.
Ani Diokno, manggagaling ang listahan ng 9.3 milyong benepisyaryo ng P1000 ayuda sa Department of Social Welfare and Development.
Kaugnay nito, patuloy din ang pagpapatupad fuel discount programs para sa mga magsasaka at mangingisda at Kadiwa Program, ayon sa ahensya.
