By Christian Dee

MAYNILA – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development nitong Lunes, Marso 20, na umabot na sa mahigit 150,000 ang bilang ng mga naapektuhang indibidwal dahil sa nangyaring oil spill sa Oriental Mindoro.

Ayon kay DSWD Assistant Bureau Director Miramel Laxa sa isang public briefing, 151,463 katao o 32,661 pamilya na ang umiinda ng epekto ng oil spill.

“Dahil po dito sa oil spill na ito, umabot na po sa 131 barangays…mula sa probinsya ng Mindoro, Palawan, at Antique na nasa 32,661 families o 151,463 individuals ang naapektuhan na po ng nasabing insidente po ng oil spill,” ani Laxa.

Aniya, nakapamahagi na tulong ang DSWD sa mga naapektuhang indibidwal, partikular sa mga apektadong probinsya, gaya ng food packs.

“Nakapag-implement na rin po tayo ng cash-for-work program, this is particularly to respond sa concern po ng affected individuals and families lalong lalo na po ‘yung ating mangingisda para pansamantala po ay may napagkukuhanan sila ng kanilang pang-araw-araw na kinabubuhay,” tugon ni Laxa nang tanungin kung ano-anong naipamahagi nang tulong ng ahensya sa mga apektadong indibidwal.

Dagdag pa ng opisyal, base sa kasalukuyang ulat, March 20, 2023, nasa P116 milyon na ang kabuuang halaga ng tulong ang naipapaabot ng DSWD para sa mga nakibahagi sa cash-for-work program.

Aniya, hindi pa sakop ng naturang pondo ang mga naipamahagi sa pamamagitan ng food packs at Assistance to Individuals in Crisis Situation.

Matatandaang lumubog ang isang motor tanker, MT Princess Empress, sa Oriental Mindoro at siyang nagdulot ng pagkalat ng langis na lulan nito sa iba’t ibang probinsya.

Base sa ulat, umabot na ngayon sa Isla Verde sa Batangas City ang oil spill, ayon kay Philippine Coast Guard Batangas station commander Captain Victorino Acosta.

Leave a Reply