Binatikos at tinawag na sinungaling ang Department of Health(DOH) at si Health Secretary Francisco Duque III ng mga health workers. Ayon sa kanila, nabigo ang DOH ibigay sa kanila ang nararapat na mga benepisyong nakalaan para sa lahat ng health frontliners.
Ayon kay Jao Clumia, presidente ng St. Luke’s Medical Center Employees Association sa isang virtual press conference, “Kaya ko sinasabi na sinungaling… Nagpapahayag sila sa media na ang mga health workers sa private sector ay nabigyan ng sinasabi ninyong benepisyo. Ano nga po ‘yung benepisyo? Hindi nga po natatanggap ‘yung nakapaloob dun sa DOH Administrative Order No. 2020-0054”.
Si Alliance of Health Workers(AHW) Secretary-General Benjamin Santos, ay may parehong sintemyento patungkol kay Sec. Duque, anya habang sinasabi ng Kalihim na wala nang magagawa ang DOH ay lumabas na may mga anumalya sa paggastos ng P67.3 bilyong halaga ng pondo para pagtugon sa pandemiya.