By Christian Dee
Bilang selebrasyon ng sikat na Filipino rapper na si Gloc-9 sa ika-25 taon niya sa industriya ng musika, nakatakda siyang mag-concert tour sa Canada kasama si Shanti Dope.
Ang naturang pagtatanghal ay tinawag na “Rapsada sa Canada,” na sisimulan nitong Nobyembre.
Unang magpupunta ang mga rapper sa Toronto sa darating na Nobyembre 18 kasunod ang ikalawang concert tour nito na gaganapin naman sa Nobyembre 25 sa Winnipeg.
Sa Edmonton naman magtatanghal ang dalawa sa Nobyembre 26 bilang ikatlo nitong concert tour. At panghuli, sa Calgary sa Disyembre 3 gaganapin ang last show.
Matatandaang nasimulan ni Gloc-9 ang pagtatanghal sa ibang bansa gaya ng US at Dubai, ilan lang sa mga napuntahan ng mang-aawit, noong 2018.
Ngayong taon, espesyal ito sa kaniya at inaasahan niyang makapagdiriwang ito ng kaniyang anibersaryo kasama ang mga tagahanga.