By Frances Pio

––

Ibinahagi ni Senator Grace Poe, anak ng yumaong beteranong aktres na si Susan Roces, ang “symbolic” na huling pag-uusap nila ng kanyang ina bago pumanaw – tungkol sa paglagda sa Foundling Recognition and Protection Act.

Adopted child si Sen. Poe ni Roces at yumaong aktor na si Fernando Poe Jr.

“Kasi ganito ‘yun, bago siya dalhin sa ospital, nag-uusap pa kami, nag-uusap pa sila ng mga kaibigan niya. Mga bandang tanghali, nabalitaan namin ‘yung batas ukol sa pagkilala sa mga nadampot na bata o foundlings ay naisabatas na, napirmahan na,” inihayag ni Sen. Poe sa isang ambush interview sa Heritage Memorial Park sa Taguig noong Sabado.

“So excited ako nu’n, tinawagan ko siya, tapos sabi pa niya sa akin, ‘Congratulations,’ kasi imagine, ipinaglaban niya ‘yan para sa akin matagal na, na magkaroon ng patas na karapatan ang mga batang naabandona. Tapos sabi ko, ‘Ma, not congratulations to me alone, congratulations to you because if not for you and for this advocacy that you fought for, hindi ito magiging ganito. Hindi ako magiging nasa ganitong pagkakataon sa buhay’,” pagpapatuloy niya.

Maalala noong 2015, binatikos ni Roces ang mga kritiko ni Poe habang sinubukan nilang pigilan ang kanyang hangarin na maging pangulo, at sinabing hindi siya maaaring ituring na isang natural-born Filipino na kinakailangan para tumakbo bilang pangulo.

Matapos ang tawag na iyon, may nagbago kay Roces, ani Poe.

“So masaya siya, tapos alam mo, pagkatapos nu’n, parang naiba na. ‘Yun na ang huling pag-uusap namin kaya napaka-symbolic nga, parang inintay nya, pero pagkatapos nu’n, nu’ng dinala na namin siya sa ospital, parang wala sa sarili, tapos nagko-complain siya na may pain siya,” ayon ka kanyang pagsasalaysay.

Ikinuwento rin ni Poe ang pagkakaroon ng mas maikling pakikipag-usap sa kanyang ina sa nakalipas na dalawang linggo bago ang kanyang pagpanaw.

Nag-uusap ang senador at si Roces sa loob ng isa hanggang isa at kalahating oras kada ikalawang araw hanggang halos araw-araw.

Pero nitong nakaraang dalawang linggo, 10 minuto lang silang nag-usap at napansin ni Poe na pagod na pagod na ang kanyang ina.

Pumanaw si Roces noong Mayo 20 dahil sa cardiopulmonary arrest. Siya ay may edad na 80.

Bukas sa publiko ang burol ng “Queen of Philippine Movies” mula Mayo 22 hanggang 24, mula 10 a.m. hanggang 10 p.m., sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.

Leave a Reply