By Christian Dee
MAYNILA – Lunes, Marso 27, nang matupok ang 37 bahay dahil sa nangyaring sunog kaninang madaling sa Parañaque City.
Ayon sa mga awtoridad, aabot naman sa mahigit 50 ang bilang ng mga pamilyang apektado matapos masunog ang kanilang mga tahanan sa Barangay Don Galo sa naturang lungsod.
Ilan sa mga residente ay nagtamo ng sugat habang ang iba naman ay nahirapang huminga dulot ng usok.
Karamihan sa mga bahay ay gawa sa mga magagaang materyal na madaling masunog at makitid ang daan sa lugar kaya naman kahit nakaresponde ang mga bombero, nahirapan pa rin silang patayin ang apoy.
Ani Senior Inspector Ernesto Wanawan Jr. ng Parañaque Fire Station, iyong gumagawa ng construction, maraming imbak na mga plywood at mga lumers na aniyang nagdulot ng paglaki ng sunog.
“So isa ‘yon sa nag-trigger para lumaki ang sunog. Nadamay ‘tong residential areas dito made of light materials,” ani Wanawan.
Ala-1 pasado ng madaling araw nang mangyari ang insidente ng sunog, na umabot pa sa ikatlong alarma.
Ang isang itinatayong gusali naman malapit sa pinangyarihan ng sunog ay hindi rin nakaligtas dahil maging ang bahagi nito ay nadamay din.
Nagtulong-tulong naman din ang mga residente para maapula ang apoy.
Pasado alas-3:29 ng madaling araw na rin naideklarang fire out na ang sunog, na nakapinsala ng nasa P500,000 halaga ng ari-arian.
