By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na ligtas ang Puerto Galera sa nangyaring pagkalat ng langis, bunsod ng lumubog na MT Princess Empress, sa karagatan ng Oriental Mindoro na kumalat na rin sa ibang bahagi ng bansa.
Aniya, walang oil spill at ligtas sa Puerto Galera na base rin sa ulat mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Coast Guard (PCG).
“Puerto Galera is safe,” ani Dolor kasabay ng kanyang panawagan sa mga turista na huwag nang magkansela ng kanilang trip sa lugar.
“Wala siyang oil spill. At dahil walang oil spill, safe mag-dive,” dagdag pa niya.
Isa sa mga sikat na magandang tanawin at kinasasabikang puntahan ng mga nagbabakasyon ang Puerto Galera dahil sa white sand beach nito.
Ligtas din umano ang karagatan ng Baco at San Teodoro sa naturang lalawigan habang siyam (9) na bayan naman ay apektado nang oil spill.
Nakikitang magiging malaking problema sa ekonomiya ng Oriental Mindoro, ayon kay Dolor, sakaling maapektuhan ang Puerto Galera.
