By Frances Pio

Binatikos ng mga health worker nitong Huwebes ang gobyerno para sa panukalang health budget para sa 2023 dahil mas isinapribado nito ang mga public health services para sa publiko sa pamamagitan ng pagtapyas ng badyet para sa mga ospital na pag-aari ng gobyerno.

Sa isang pahayag, sinabi ng Alliance of Health Workers (AHW) na nananatiling hindi sapat ang budget kahit na ito ay itinaas mula P242 bilyon noong 2022 hanggang P296.3 bilyon noong 2023.

Nabanggit na ang badyet ay “nagbibigay ng premium” sa PhilHealth habang tinapyas ang badyet para sa Maintenance and Other Operating Expense (MOOE) ng mga government-owned and -controlled corporation (GOCC) hospitals, kabilang ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI), ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC), Philippine Heart Center (PHC), at Lung Center of the Philippines (LCP) sa kabuuang P881 milyon.

“It is very alarming that many ordinary patients will be deprived of these specialty services considering that these GOCC hospitals were pet projects of the Marcos Sr. Maraming ordinaryong mamamayan ang pagkakaitan ng serbisyo lalo na ang mga mahal na procedure sa GOCC hospital dahil sa pagtapyas ng budget sa MOOE ng P362 million sa aming ospital.” sinabi ni NKTIEA-AHW President Edwin Pacheco.

“Katumbas ‘yan ng mahigit 242 na kidney transplant na pasyente ang hindi ma subsidize. Ganun din sa ibang GOCC hospital. Sa aming ospital, umaabot ng P1.5 million ang isang kidney transplant maliban pa sa gamot na pang-maintenance. Wala namang pampublikong ospital ang pwede nilang mapuntahan kundi dito sa NKTI,” dagdag pa niya.

Nagkaroon pa ng budget cut ang PGH na P19.444 milyon para sa 2023, kung saan binanggit ni All UP Wokers Union- Manila PGH Vice President Benjamin Santos, Jr. na sa kabila ng kakulangan ng lifesaving apparatus tulad ng ventilators, wala pa ring budget na inilaan para dito.

Samantala, ang budget ng PhilHealth, sa kabilang banda, ay tumaas ng P20 bilyon.

“Alam naman ng Presidente na bagsak ang ekonomiya at maraming mamamayan ang lugmok sa kahirapan. Imbes na maibsan sana ang kalagayang ito sa pamamagitan ng libreng pagpapagamot ay napunta sa PhilHealth ang malaking budget imbes na idiretso sa mga ospital para mas maraming magamot na pasyente,” sinabi ni AHW National President Robert Mendoza.

“Bakit dinagdagan pa ang pondo ng PhilHealth samantalang ilang beses nailabas sa media na milyon-milyon ang corruption ang ahensyang ito,” dagdag pa niya.

Leave a Reply