By Christian Dee
MAYNILA – Ibinalita ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes, Pebrero 17, na umabot na sa mahigit dalawampu’t dalawang milyong Pilipino na ang naisyuhan na ng ePhilID.
Base sa anunsyo ng PSA, matagumpay na naisyu hanggang nitong Pebrero 14 ang kabuuang bilang na 22,218,718 na mga ePhilID sa mga nakapagparehistro nang Pilipino.
Sa isang pahayag, sinabi nito na ang naturang bilang ng ePhilID na naisyu ay nakamit dahil sa pinagsama-samang pagsisikap ng PSA at ng mga tanggapan kabilang ang pagkuha ng mga ePhilID sa registration centers, plaza-type, at house-to-house distribution.
Nakapaglunsad na rin ng isang website ang PSA kung saan maaring ma-download ang PDF copy ng ePhilID.
“Through this strategy, registered persons can now conveniently download their ePhilID on their mobile device and use it in transactions anytime,” ani PSA Undersecretary Dennis S. Mapa, National Statistician and Civil Registrar General.
“Just like the PhilID, the ePhilID holds the same functionality and validity whether printed on paper or as a PDF file,” dagdag pa nito.
Nakikipagtulungan na rin ang PSA sa Bangko Sentral ng Pilipinas at sa Philippine Postal Corporation para sa mas mapabilis ang paglilimbag at pagpapadala ng mga PhilID.
Mahigit 23 milyong mga PhilID naman ang mga naipadala na sa mga may-ari hanggang noong Pebrero 10, ayon sa PSA.