Magkakaroon ng imbestigasyon ang Ombudsman sa mga opisyal at empleyado ng Department of Health na pinamumunuan ni Health Secretary Francisco Duque III, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Noong Miyerkules ay inihayag ng Ombudsman na iimbestigahan nila ang DOH tungkol sa pamamahala nila sa paglaganap ng COVID-19.
Maraming isyu na ang kumakalat patungkol kay Duque kaugnay sa pagtaas ng mga presyo sa mga test kits at equipment ngunit nakarating pa sa Ombudsman na kahit ang ibang tauhan ng DOH ay kasali sa katiwalian na ito.
Ayon naman kay Vergeire sa panayam sa kanya, malaki ang naging epekto nito sa moral ng departamento dahil sa kabila ng kanilang pagtatrabaho ay nagkakaroon pa din sila ng mga isyu na hahantong pa sa imbestigasyon.
Ayon pa sa kanya ay wala pang sapat na dahilan upang mag leave si Sec. Duque para sa imbestigasyon na iminungkahi ni Sen. Gatchalian. Hanggang ngayon ay wala pa rin silang pormal na komunikasyon sa Ombudsman patungkol sa imbestigasyon ngunit sa kabila nito ay patuloy naman nilang inihahanda ang bawat isa.
Pinabulaanan din niya ang sinasabing pag alis sa trabaho ng ibang manggagawa ng DOH dahil sa kumakalat na kontrobersiya, at wala silang ideya kung sino pa ang mga iimbestigahan ng Ombudsman bukod kay Sec. Duque.