Habang ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas ay sinisikap pigilan ang mga Pilipino na sumali bilang volunteer fighters kasama ang mga Ukrainians, ang ilang mga Filipino naman ay nagpakita ng kanilang suporta at pakikiisa sa mga charity at relief efforts para sa Ukraine.
Para sa kanilang campaign drive para sa Ukraine, ginagamit ng isang Ukrainian tech company at mga empleyado nitong Filipino ang tagline na “Buy NFTs to save Ukraine and stop the war,” pati na rin ang ilang hashtags gaya ng #WorldSaveUkraine, #StandWithUkraine, at #StopWar.
Ito ay may layuning makalikom ng $1 milyon sa pamamagitan ng paglikha ng mga non-fungible token, o NFT artworks. Ang koleksyong ito, na nilikha ng humigit kumulang 400 Ukrainian artists, ay makikita at maaaring i-mint sa website ng Holy Water Technology. Ang lahat ng mga malilikom na pondo ay direktang pupunta sa pamahalaan ng bansang Ukraine.
Aktibo ang kumpanya ng Holy Water Technology sa Pilipinas, kung saan nakabuo ito ng website at app para sa mga Filipinong manunulat at mambabasa.
Si Claire Dicong, isang Pinay na kasal sa isang Ukrainian, ay isa rin sa mga Filipinong piniling manatili sa Ukraine kasama ang kanyang asawa at pamilya. Aktibo siyang nakalikom ng pondo para makabili ng mga supply tulad ng pagkain at gamot para tulungan ang iba.
Noong Marso 7, idineklara ng DFA ang crisis alert level 4 na sitwasyon sa lahat ng lugar ng Ukraine, na nagbigay daan para sa gobyerno na magdeklara ng mandatory evacuation sa lahat ng Filipinong naninirahan doon.
“Kapag sinabi nating mandatory evacuation, ibig sabihin, lahat ng Filipino sa isang bansa ay dapat lumikas at maaaring umuwi o lumipat sa mas ligtas na lokasyon,” paliwanag ni USec. Brigido Dulay, ang Under Secretary ng DFA, sa isang panayam ng ANC 24/7 News. “Siyempre, hindi naman natin sila pwedeng pilitin.”
Samantala, libu-libong volunteers mula sa United States, United Kingdom, Sweden, Mexico, at India ang nagpalista upang lumaban kasama ang mga Ukrainians. Gayunpaman, hinihimok ng DFA ang mga Filipino na huwag sumali sa digmaan.
“Sana (walang Filipino volunteer fighters) kasi medyo mahirap, mahirap naman kung habang kami ay nagsasabi ng mandatory evacuation, eh may iba namang mga Filipino ang papasok pa (doon).
Sinabi ni Dulay na iniiwasan lamang ng pamahalaan na makadagdag pa ang mga Filipino sa maaring maging problema kung sakali. (Photo courtesy of WTTW News)
