Share:

By Frances Pio

––

Isang tao ang namatay habang isa pa ang sugatan nang sumalpok sa sementadong parapet ang sinasakyan nilang sasakyan at nasunog sa Maharlika Highway sa paligid ng Barangay Castillo nitong Sabado.

Inapula ng bumbero ang apoy matapos bumangga ang isang kotse at bumagsak sa palayan sa Isabela nitong Sabado. Sa inisyal na ulat ni Police Major Amy dela Cruz, tagapagsalita ng Isabela Provincial Police Office, sinabi nito na agad na nirespondehan ng Echague police, Bureau of Fire Protection, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang aksidente alas-2:50 ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang nasugatan na driver na si Rogelio Daria, 43, ng Barangay Buneg, Echague, at ang nasawi na pasaherong na si Wilson Alambay ng Barangay Babaran, Echague.

Lumalabas sa imbestigasyon na binabagtas ng kanilang sasakyan, isang pulang Honda Civic sedan na may plakang TMJ-168, ang national highway patungo sa Alicia, Isabela at nag-overtake sa isang sasakyan matapos dumaan sa Castillo Elementary School.

Nawalan ng kontrol si Daria at bumangga ang sasakyan sa konkretong parapet ng southbound lane at tumaob sa palayan at nasunog.

Siya at si Alambay ay nagtamo ng mga sugat at dinala sa Echague District Hospital.

Gayunman, idineklarang dead on arrival ng attending physician si Alambay habang inilipat si Daria sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City, Isabela.

Leave a Reply