By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa Department of Health aabot sa 3 milyon ang bilang ng mga batang maaring kapitan ng tigdas hanggang matapos ang taong 2022.
Iminungkahi naman ng isang pediatrician mula sa Manila Doctors na si Dr. Cynthia Cuayo-Juico na pabakunahan na ang mga anak laban sa tigdas.
Aniya, bakuna ang kailangan upang makaiwas sa tigdas.
“Eight months hanggang pataas kung wala pang bakuna, magpabakuna tayo. ‘Yun po talaga ang makaka-prevent ng tigdas,” ani Juico sa isang panayam nitong Huwebes, Oktubre 27.
Ilan sa mga sintomas ng nakahahawang sakit na ito ay lagnat, rashes, pamumula ng mata, ubo at sipon.
Suplay ng bakuna kontra tigdas naman ang hiling ng pediatrician sa DOH. Sinabi rin ni Juico na maari sila, mula sa pribadong sektor, na tumulong sa bakunahan sa mga barangay.
“Kami po sa private sector puwedeng tumulong sa mga barangay-barangay para po sa mga residente namin. Dadalhin po namin para magpabakuna,” ani Juico.