
Nangako si presidential aspirant Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na ipagpapatuloy niya ang “Build, Build, Build” program ng gobyerno at mas palalawakin pa ito sa iba’t ibang parte ng bansa upang makapagbigay nang mas marami pang trabaho at oportunidad sa mga Pilipino.
“Pag merong bagong tulay, highway, airport, sea port, at MRT, siguradong nandyan ang maraming trabaho at maraming opportunity para mas kumita ang tao. Yan naman ang prayoridad ng aking administrasyon, Buhay at Kabuhayan,” ani Moreno.
Nagtungo ang standard bearer ng Aksyon Demokratiko sa Central Visayas para sa kanyang two-day “Listening Tour” kung saan nakipagpulong ang alkalde sa iba’t ibang sektor upang alamin ang kanilang pinagdaanan ngayong pandemya at kung papaano sila bumangon sa ilalim ng pamamahala ni Cebu. Gov. Gwendolyn Garcia.
Binisita rin ni Moreno kasama si Gov. Garcia ang Cebu-Cordova Bridge na itatanghal na pinakamahabang tulay sa bansa pag natapos ang konstruksyon nito.
Ayon kay Moreno, napagtanto niya sa kanyang pagbisita sa Cebu, na kung gagawing prayoridad ng gobyerno, mas magiging maganda ang daloy ng ekonomiya sa mga isla tulad ng Cebu at Bohol kung may mga tulay na nagkokonekta sa mga ito.
“Just imagine if we can build a bridge wherein Bohol and Cebu are being connected? The islands of Visayas being connected by bridges, which is not rocket science. It’s a matter of priority by the national government,” saad ni Moreno.
Ayon sa Alkalde, hindi lang turismo ang mapapaganda ng pagiging konektado ng mga rehiyon kundi magiging daan din ito upang sila’y maging isang ‘economic center’ tulad ng Metro Manila.
“Kapag iyon nangyare at naging sentro ng susunod na administrasyon na pagdikit-dikitin ang Visayas, hindi na lamang Luzon ang ating economic center. Visayas can be an economic center,” sabi ni Moreno.
Paliwanag ni Moreno, base sa mga datos, 60% ng ekonomiya ng bansa ay nanggagaling sa Metro Manila na naging malaking dagok ngayong panahon ng pandemya.
Sa ilalim ng administrasyong Moreno, ipagpapatuloy din ang Public-Private Partnership (PPP) sa magkaparehong pambansa at lokal na lebel tulad ng nangyari sa CCLEX.
“We need the private sector to invest more in infrastructure and they can build fast and it will save government resources which it can use for social services like health care and education,” pagdiin ni Moreno.
Nangako rin si Moreno na sa pagpapatuloy ng “Build, Build, Build” program, magiging prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapatayo ng mga vertical mass housing projects, world-class hospitals, at mga modernong paaralan na makakapagbigay nang mas maraming oportunidad sa mga tao.
(By: Aj Lanzaderas Avila)
