Si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang “best candidate” sa pagkapangulo dahil sa malinaw niyang plano para sa bansa at sa track record nito bilang politiko, ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
“We are offering the people in this election our brand of leadership and what program can he offer to the people,” wika ni Recto.
Sinabi rin ni Recto na ang pagpili ni Moreno kay Dr. Willie Ong bilang kaniyang running mate ay nagpapakita na ang prayoridad ng adminitrasyong Moreno ay ang kalusugan ng taumbayan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ayon pa sa Senador, nagdesisyon siyang suportahan si Moreno dahil sa magandang plataporma nito kabilang ang patungkol sa economic recovery ng bansa at mass housing program.
“We know that by investing in housing, at least, the multiplier effect is 17 times, so your peso will go 17 times much longer in housing. That has never been done in the Philippines in the past,” ani Recto.
“And there is a prototype in Manila to begin with. Aside from that, you may notice that Isko, even today, may bagong ospital na pinagagawa ulit sa Manila. Not to mention a few days ago, school buildings. Huge educational facilities as well, we will prioritize also under an Isko Moreno administration,” dagdag pa niya.
Pinangunahan ni Moreno ang groundbreaking ceremony para sa tinatayong tatlong palapag na ospital sa Baseco compound kung saan kamakailan lamang ay pinasinayaan ang “BaseCommunity,” isang in-city housing project ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Ang itinatayong President Corazon C. Aquino General Hospital ay ang ika-pitong pampublikong ospital sa lungsod.
Ibinida rin ng Senador ang 344-bed Manila Covid-19 Field Hospital sa Quirino Grandstand na inilunsad noong buwan ng Hunyo at tumatanggap din ng mga “non-residents” na may mild o moderate cases.
Kasalukuyan ding itinatayo ang ilang vertical housing projects sa Maynila tulad ng Tondominium 1 & 2 sa Tondo, at Binondominium 1 & 2 sa Binondo.
Pinuri rin ni Recto ang kampanya sa pagbabakuna ni Moreno sa Maynila kung saan pinapayagan ng pamahalaang lungsod na mabakunahan pati ang mga non-Manila residents, tulad ng mga biyahero galing sa Batangas.
“Hindi tinitingnan doon kung botante ka ng Manila o hindi. So, we made him an adopted son of Lipa as well, and we want a sister city also with Manila,” wika ng Senador.
Inisa-isa rin ng Senador ang mga napagtagumpayang proyekto ni Mayor Isko tulad ng pagsasaayos ng Divisoria at Quiapo sa loob lamang ng ilang araw, tuloy-tuloy na pagtulong sa mga apektadong residente ng Maynila dahil sa pandemya, at pamimigay ng tablets sa mga public school teachers at estudyante.
“Ang sabi ko, Mayor Isko, ipagpatuloy natin ‘yan, gawin natin sa buong Pilipinas,” pagdiin ni Recto.
(By: Aj Lanzaderas Avila)