By Christian Dee

MAYNILA – Inaresto ng awtoridad ang isang foreigner matapos mahulihan ng hindi idineklarang pera na $167,300 o nasa P9.196 milyon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa Pasay City, ayon sa Bureau of Customs (BOC) nitong Miyerkoles, Marso 22.

Hinarang ng BOC ang Koreano at agad inaresto ng mga tauhan ng Kawanihan sa naturang paliparan, Enforcement and Security Service (ESS), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Hindi nabanggit sa pahayag ang iba pang pagkakakilanlan ng dayuhan ngunit anang BOC, inaresto ang Koreano noong Marso 17, 2023.

Sa pahayag ng BOC, sinabi nito na dumating sa NAIA Terminal 1 ang naturang pasahero sakay ng Asiana Airlines Flight number OZ701 galing Incheon International Airport.

Isinagawa ang physical examination para sa bagahe nitong dala kung saan nasiwalat ang “undeclared foreign currencies” na nakatago sa isang libro.

Na-isyu na ang Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa posibleng paglabag sa regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Cross Border Transfer of Currencies and Section 1113 (L) ng Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Kasalukuyan nang nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya ang dayuhan para sa imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kasong criminal laban sa kanya.

Leave a Reply