By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ng Bureau of Fire Protection ngayong Miyerkoles, Abril 12, na nasa mahigit 100 na ang bilang ng mga taong namatay dahilan ang mga insidente ng sunog sa bansa mula noong Enero.
Ayon sa datos ng BFP, dalawa sa 104 na namatay sa sunog mula Enero 1 hanggang Abril 11 ay mga bumbero.
Mahigit, 3,800 na ang naitalang insidente ng sunog sa bansa ayon sa tagapagsalita ng BFP na si Fire Supt. Annalee Atienza na nakapanayam ng TeleRadyo.
Kung ikukumpara, mas mababa ang naitala ngayong taon kumpara noong 2022 sa parehong panahon na 4,228 fire incidents.
“‘Yun na nga po ang malungkot na ibinabalita ko na despite sa programa ng ating government, talaga pong mas dumadami yung ating insidente,” ani Atienza sa naturang panayam.
“Although sa data naman po natin ay mababa pa rin naman po ngayong taon, kumpara last year.
Karamihan sa mga insidente ng sunog, 1,668 fire incidents, ay naganap sa mga residential area. Mahigit 100 naman ay nangyari sa industrial areas.
Sa kabuuan, nasa P10.7 bilyon na ang halaga ng mga napinsala ng mga insidente.
Panawagan ni Atienza, itawag agad sa BFP upang ipagbigay-alam sakaling mayroong masaksihang insidente ng sunog para sa agarang responde ng mga bumbero.
