By Christian Dee
MAYNILA – Hindi pa natitiyak ng opisyal ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office kung makukuha ngayong Huwebes, Pebrero 23, ang labi ng apat na namatay sa pagbagsak ng Cessna 340 plane sa Albay.
Malapit kasi sa crater ng Bulkang Mayon ang pinagbagsakan ng naturang eroplano at ayon naman kay Cedric Daep ng Albay PDRRMO, dahil din sa hirap ng terrain sa palibot ng naturang bulkan.
Malamig ang klima sa gawing itaas ng bulkan ayon kay Daep sa isang press conference.
Umaasa naman ang mga awtoridad na wala pa sa advanced stage ng pag-aagnas ang mga bangkay ng mga nasawi.
Kahapon, kinumpirma rin ng mga opisyal ng Albay PDRRMO na nasawi na ang mga sakay ng naturang bumagsak na eroplano na kinilala na sina Capt. Rufino James Crisostomo Jr., piloto; Joel Martin, mekaniko; Simon Chipperfield at Karthi Santhanam, dalawang pasaherong Australian.

Photo source: Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo Jr./Facebook
Ayon kay Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo Jr., natagpuan ang bumagsak na Cessna plane 350 metro ang layo bunganga ng Bulkang Mayon.
Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente at kung paano napunta ang sasakyang panghimpapawid sa gawing itinuturing na no-fly zone, sa bulkan.
