By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), naibaba na mula sa Bulkang Mayon ang labi ng mga nasawing pasahero ng Cessna plane na bumagsak.
Sinabi ng tagapagsalita ng CAAP Eric Apolonio na base sa impormasyon na inilabas ni Camalig Mayor Carlos Irwin “Caloy” Baldo Jr., naibaba na ang labi ng apat na lulan ng naturang Cessna plane.
Naibaba sa Barangay Anoling ang unang labi kahapon. Ala-1:07 naman ng madaling araw nitong Huwebes, Marso 2, nang maibaba ng mga rumesponde ang ikalawang labi.
Makalipas ang ilang oras, naibaba na rin sa kaparehong barangay ang ikatlong labi, habang ang huling labi naman ay bitbit ng mga rumesponde kaninang alas-2:59 ng hapon habang dumadaan sa Dalipay Gulley.
“CAMALIG MDRRMC UPDATE: As of 2:59PM, responders are currently passing the Dalipay gulley, as they carry the 4th body to safe ground,” saad ni Baldo sa kanyang Facebook post.
“The team’s location is estimated to be less than 2km away from the Forest Ranger Station (FRS),” dagdag pa niya.
Sakay ng bumagsak na Cessna plane ang isang piloto, co-pilot nito, at dalawang Australian nationals.
