By Christian Dee

MAYNILA – Sugatan nitong Lunes, Abril 17, ang isang provincial legal officer sa Pampanga matapos siyang pagbabarilin ng dalawang lalaki habang sakay siya ng kanyang sasakyan na nasa parking lot ng isang ospital sa San Fernando City.

Ayon sa ulat ng pulisya, maraming beses na nagpaputok ng baril ang mga salarin noong dumating ang abogadong si Atty. Gerome Tubig sa parking lot sa VL Makabali Memorial Hospital bandang alas 7:30 ng umaga

Sakay ng itim at pulang Yamaha Aerox na motorsiklo ang dalawang lalaki nang mangyari ang insidenteng pamamaril.

Naiulat din na nagtamo ng ilang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang naturang opisyal.

Matapos ang pangyayari, agad na tumakas ang dalawang salarin patungong MacArthur Highway.

Hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Dinala naman agad sa ospital si Tubig para sa kanyang pagpapagaling ngunit napag-alaman na sasailalim siya sa surgery.

Bagama’t nag-isyu na ang pulisya ng San Fernando ng flash alarm matapos matanggap ang ulat tungkol sa naganap na insidente, magsasagawa pa rin ng operasyon ang mga awtoridad para mahuli ang mga suspek.

Leave a Reply