By: Francis Pio
Kinumpirma ng Department of Health (DOH)-Davao Region nitong Huwebes ang naitalang limang kaso ng Omicron variant ng COVID-19, kabilang ang tatlong returning overseas Filipinos (ROF) na sinuri sa ibang rehiyon.
Ayon kay Dr. Rachel Joy Pasion, pinuno ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH-Davao, sa isang virtual press briefer nitong Huwebes na tatlo sa mga kasong ito ay mga ROF habang ang dalawa pa ay mga indibidwal na walang history ng anumang paglalakbay sa labas ng bansa.
Tatlong kaso ang nakita mula sa 35 specimens na isinumite ng DOH-Davao para sa whole genome sequencing sa University of the Philippines-Philippine Genome Center noong Disyembre 23 at 29, habang ang dalawa pa ay sinuri sa National Capital Region at Clark, Pampanga.
Ang lahat ng limang kaso ay dineklarang magaling na bago ang paglabas ng mga resulta, ayon kay Pasion.
