Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Sinabi ng isang opsiyal ng Light Rail Transit Authority na hindi nito pinapayagan ang pagsasakay ng mga alagang bayawak at sawa sa loob ng LRT Line 2.

Ito ay kaugnay ng pagpapahintulot nito sa mga alagang hayop, gaya ng mga aso at pusa, sa loob ng naturang tren.

Paliwanag ni LRTA administrator Hernando Cabrera sa isang panayam sa TeleRadyo, maliliit na aso at pusa lamang maaring ipasok at isakay sa tren, at hind iyong mga hayop na reptilya.

“Lilinawin ko lang, mga maliliit na aso at pusa, hindi kasama yung ibang mga pets, yung mga sawa, bayawak, o iguana. Hindi pupwede ‘yon,” paglilinaw ni Cabrera.

Giit niya, maaring hindi maging komportable ang mga kasabay na pasahero sakaling mayroong iguana o iba pang reptilya sa loob ng naturang transportasyon.

Bawal din sa tren ang mga alagan manok dahil aniya posibleng mag-ingay ito at hindi rin nalalagyan ng diaper ang mga manok.

“Hindi mo pwedeng lagyan ng diaper yung manok,” aniya.

Ang mga pinapayagan namang mga maliliit na aso at pusa ay nararapat na bakunado, nasa loob ng kanilang kulungan o lagayan, at may suot na diaper para makapasok sa tren.

Simula Pebrero 1, ipatutupad na ng LRTA ang pagpapahintulot na maisakay ang mga piling alagang hayop.

Leave a Reply