By Christian Dee
MAYNILA – Sa isang panayam ngayong Lunes, Enero 30, sinabi ng dating Senador na ngayon ay Chief Presidential Legal Counsel na si Juan Ponce Enrile na hindi nito kikilalanin ang hurisdiksyon ng International Criminal Court para sa imbestigasyon ng naging madugong kampanya laban sa ilegal na droga.
Aniya, hindi niya papayagang imbestigahan ng ICC ang kahit na sinong opisyal.
“I’m telling you, as a lawyer of the President, as far as I’m concerned, I will not recognize the jurisdiction of the ICC,” ani Enrile.
Sabi niya, walang “sovereign powers” ang naturang korte.
“If they will come here, if I were to be followed, I will cause their arrest. They interfere too much in our internal affairs,” anang dating Senate President.
“We do not have an uncivilized judicial system. I will not allow them to come here to the country to investigate here. They have to ask permission,” dagdag pa niya.
Ito ay matapos sabihin ng ICC na ipagpapatuloy nito ang imbestigasyon sa nangyaring extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigdo Duterte.
Napikon na rin si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police noong administrasyong Duterte, sa pagpupumilit ng ICC na ipagpatuloy ang naturang imbestigasyon.
“Walang problema diyan kung ano ang gawin nila diyan. Basta tayo, alam natin kung ano ang rason ng gobyerno kung bakit nila inaayawan na pumasok sila sa ating jurisdiction na mag-conduct ng kanilang imbestigasyon dahil gumagana naman ang ating judicial system,” ani Dela Rosa sa panayam sa dzBB noong Linggo, Enero 29.
“Huwag kayong mag-impose ng standard dahil meron kaming sariling Konstitusyon. Meron kaming batas na sinusunod. Meron kaming sistema na pinapairal at `wag kaming insist standard n’yo. Kung anong standard ang iniisip n`yo dyan, huwag n’yo kaming diktahan,” dagdag pa niya.