By Christian Dee
MAYNILA – Sabado ng umaga, Disyembre 10, nang pagbabarilin umano sa lungsod ng Parañaque ang isang babae at ang kanyang tiyuhin na senior citizen.
Nagtamo ng sugat ang 46-taong-gulang na babaeng biktima habang 69-taong-gulang naman ang tiyuhin nito matapos ang pamamaril na anang pulisya ay nangyari sa dakong alas-5 ng umaga.
Ang babaeng biktima ay tinamaan ng bala nang dalawang beses habang ang isa pang biktima, ang kanyang tiyuhin, ay nagtamo ng isang tama ng bala mula sa baril na ginamit ng suspek.
Malapit sa palengke ng Barangay La Huerta sa nasabing lungsod ang lugar ng insidente.
Ayon sa biktimang senior citizen, ang hindi pa nakikilalang suspek ay bumili pa ng sago sa kanyang tindahan bago mangyari ang pamamaril sa kanila.
“Based sa account ng isang victim, bumili muna. And then nakabili siya, wala pa yung babae. Tapos bumalik. Noong inabot yung sago na binili, ayun na,” sabi ni SMSgt. Rolly Iglesias, imbestigador mula sa pulisya ng Parañaque.
Sakay ang isang motorsiklo, agaran umanong tumakas ang salarin papuntang Quirino Avenue.
Samantala, ang mga biktima naman ay kasalukuyang nagpapagaling sa ospital habang ang pulisya ng nasabing lungsod ay patuloy sa imbestigasyon upang mapag-alaman ang pagkakakilanlan ng suspek at matukoy ang motibo nito sa krimen.