By Christian Dee
MAYNILA – Umabot sa 1,200 ang bilang ng mga bahay na nasunog matapos sumiklab ang isang malaking apoy sa Davao City nitong Sabado ng hapon, Pebrero 25.
Bandang ala-1 ng hapon nang magsimula ang insidente sa isang bahay ng 40-anyos na residente ng Barangay 21-C Quezon Boulevard sa naturang lugar, ayon sa inisyal na imbestigasyon.
Ayon sa tagapagsalita ng Davao City Fire District na si Senior Fire Officer 4 Ramil Gillado, karamihan sa mga natupok na bahay ay gawa sa light materials.
Aniya, tinatayang umabot ang pinsalang hatid ng malaking sunog sa P9 milyon.
Alas-2:59 ng hapon nang ideklarang under control na ang sunog at tuluyang naapula ng alas-5:21 ng hapon.
Wala aniyang naiulat na namatay o nasugatan sa pangyayari.
Ngunit pahirapan din sa pagpatay ng apoy dahil sa laki ng sunog.
Ayon sa Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office, halos 1000 pamilya ang inilikas sa Barangay 21-C gym at Barangay 22-C covered court.
