By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa Office of Civil Defense ngayong Miyerkoles, Marso 15, halos nasa mahigit 31,000 na ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng oil spill mula sa motor tanker na lumubog sa Oriental Mindoro.
Anang OCD, kasama sa mga naapektuhang pamilya ang ilang mga pamilya mula sa MIMAROPA at Western Visayas.
“The oil spill has already affected 31,497 families in MIMAROPA and Western Visayas,” anang OCD sa isang pahayag.
“Livelihood of 13,654 farmers and fishermen was also affected by the oil leakage,” dagdag pa nito.
Nitong Martes, sinabi ng OCD na P23.9 milyon na ang kabuuang halaga ng tulong na naipapaabot ng pamahalaan at ng non-government organizations sa mga naapektuhan.
Inaasahan din ang isang sasakyang pandagat mula sa Japan na dumating sa bansa upang tumulong sa pagresponde.
Kahapon, naiulat na ang alkalde ng lokal na pamahalaan ng Pola, Oriental Mindoro na si Mayor Jennifer Cruz ay nagbigay ng sampung (10) araw na palugit sa may-ari ng MT Princess Empress, ang motor tanker na lulan ang 800,000 liters na langis, upang linisin ang kalat kasunod ang paglubog ng naturang motor tanker sa bayabayin ng Naujan mahigit 2 linggo na ang nakalipas.
