By : Jen Lopez
Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na maghanda na ang mga mamimili sa patuloy na pagtaas ng langis at produktong petrolyo. Nang dahil sa napapadalas na biglaang pagtaas ng presyo, nanawagan ang DOE sa mga oil companies na patuloy na magbigay ng mga diskwento para sa mga motorista.
Ayon kay Assistant Director Rodela Romero mula sa Department of Oil Industry Management Bureau, kasalukuyang naghahanap din ang DOE ng iba pang mga posibleng paraan para makapagbigay ng pansamantalang tulong sa mga mamimili, maging sa liquefied petroleum gas (LPG) o iba pang produktong petrolyo.
Para sa iba pang impormasyon, sinabi ng mga kumpanya ng langis kabilang ang Caltex, Petron, Seaoil, Unioil, Petro Gazz, Flying V, Clean Fuel, at PTT na magiging P7.10 kada litro ng gasolina, P13.15 kada litro ng diesel at P10.50 kada litro ng kerosene ang idadagdag simula nitong Martes ng hatinggabi. Kung saan maaring abutin ito ng sumatutal na P84 para sa diesel at P94 para sa gasolina.
Kumpara noong nakaraang taon, P31 ang binabayaran ng mga motorista sa isang litro ng diesel, P20 sa isang litro ng gasolina, at P25 sa isang litro ng kerosene. Ngayong buwan, tumaas na din ang presyo ng LPG ng P7.95 kada kilo.
Maging ang gobyerno ay nagsimula na rin ang pagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng fuel subsidies sa mga pampublikong sasakyan at mga operator nito.
Gayunpaman, binigyang diin muli ni Department of Finance (DOF) Undersecretary Valery Joy Brion sa pagdinig ng Senado, na ang DOF ay hindi maaaring suspindihin ang mga buwis sa langis dahil babawasan nito ang mga kita na kailangan para tustusan ang muling pag ahon ng ekonomiya pagkatapos ng pandemya.
Ayon naman sa DOF, maaring umabot ng P147.1 Billion ang mawawalang pera sa gobyerno pag itinuloy ang pag suspinde sa excise tax ng langis. Ngunit sa kabilang banda, nang dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, nakabuo na ang gobyerno ng P3 bilyon na value-added tax (VAT) nitong Pebrero na makakatulong sa pagpopondo sa karagdagang subsidies sa gasolina sa mga driver ng public utility services at mga diskwento na ibibigay ngayong buwan at sa mga susunod pang mga buwan.
Isa ang mga jeepney drivers ang pinaka apektado sa pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel sa bansa. Umaabot ng P8,400 ang nawawalang kita ng bawat isang jeepney driver kada buwan simula noong Enero, matapos ipamalita ang hidwaan ng Ukraine at Russia.
Panawagan din ng iba pang mga sektor, kabilang ang mga magsasaka at mangingisda, ay nagpahayag din ng pagkabahala na ang walang tigil na pagtaas ay magpapalala ng gutom at kawalan ng pagkain sa buong bansa.
