By Christian Dee
MAYNILA – Aprubado na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglilikha sa bagong opisina na mamamahala sa water resources ng bansa, ayon sa Malacañang nitong Miyerkoles, Pebrero 1.
Sa isang pagpupulong, tinalakay ni Marcos ang kahalagahan ng pagpaplano sa water management.
“Kaya nga kailangan sumunod sa plano. That’s why we have to strengthen the mandate of the Water Management Office. We have to bring them together so that they are all following the overall plan,” giit ng pangulo.
Ipinaliwanag din ni Marcos na kailangang maging magkakasama ang ilang mga ahensyang nabanggit gaya ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Local Water Utilities Administration (LWUA), Water Board, Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang Water Management Office.
Aniya, kailangan na ang sinusundan na rekomendasyon ay iyong mula sa management office.
“We have sufficient… there’s enough water in the Philippines hindi lang natin ginagamit, tinatapon natin,” ani pangulong Marcos nang imungkahi niya ang nararapat na unang aksyon ng WRMO, ang pagbabawas sa pag-asa sa tubig mula sa lupa at malalalim na mga balon, pati ang pamamahala sa “surface water supply.”
Isa sa mga prayoridad na lehislatibong adyenda ng pangulo ang paglilikha ng Department of Water Resources.