By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes, Marso 16, na malapit nang maibaba sa P20 ang presyo ng bigas kada kilo.
Matatandaang ipinangako ni Marcos ang naturang presyo ng bigas noong siya ay nangangampanya sa pagkapangulo ng bansa noong 2022.
“Ang aking pangarap na sinabi na bago ako umupo na sana maipababa natin ang presyo ng bigas ng P20, hindi pa tayo umaabot doon, dahan-dahan palapit na,” anang pangulo sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng “Kadiwa ng Pangulo” sa lalawigan ng Camarines Sur.
“Nasa P25 na lang tayo. Kaunti na lang maibababa natin ‘yan,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag din ni Marcos na ipinagpapatuloy ng administrasyon ang pagsisikap para maibaba ang presyo ng mga bilihin.
Halimbawa, aniya, ay yaong sibuyas at asukal na nagtaas ang halaga.
“Ginawa natin, halimbawa doon sa sibuyas, ganoon din. Biglang nagtaasan lahat, kulang sa produksyon, ginawa namin, dinagdagan namin para bumaba ang presyo,” ani Marcos.
“Asukal, ganoon din. Umakyat yan ng P100 plus ang bawat isang kilo. Ngayon ay nasa P85 and below na,” dagdag pa niya.
Nagsimula ang “Kadiwa ng Pasko” noong Kapaskuhan kung saan ibinebenta ang mga bilihin sa murang halaga.
Bagama’t hindi na panahon ng Pasko, ipinagpatuloy pa rin ng administrasyong Marcos ang Kadiwa project at pinalawig bilang “Kadiwa ng Pangulo.
