Isang magandang balita para sa mga komyuter ang muling pagbabalik sa General Community Quarantine ng buong Metro Manila matapos i -anunsyo ng Pangulo kagabi. Matatandaan na natigil ang pagpasada ng mga pampublikong sasakyan ng mahigit 15 araw matapos ang pagtaas ng bilang ng kaso ng Covid-19 sa NCR kaya isinailalim ito sa mas mahigpit na quarantine na nakaapekto sa transportasyon.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, may pagkakaiba ang patakaran noon sa pampublikong transportasyon sa mga patakaran ngayon, “Siguro, ang malaking pagkakaiba lang ng GCQ ngayon sa GCQ dati ay ‘yung public transportation,” ani niya sa panayam sa kanya ng Unang Hirit.
Binabalak din na mas dagdagan di umano ang mga pampublikong transportasyon upang hindi na maranasan pang muli ng komyuter ang hirap noon sa kanilang pagkokomyut. Sa kabila nito mananatili parin ang mga patakaran upang maiwasan ang pagkahawahawa ng virus.
Ayon pa kay Garcia ay nag kasundo ang mga Mayor sa Metro Manila sa mas mahigpit na implemetasyon sa pagsakay sa mga pampublikong transportasyon. Ayon sa DOTr ay kinakailangan na ang pagsusuot ng face shield bukod sa face mask ng mga komyuter at kailangan pa din panatilihin ang social distancing.
Mananatili sa General Community Quarantine ang buong Metro Manila kasama ng mga kalapit na probinsya simula bukas (Agosto 19) hanggang sa katapusan ng buwan.