Ibinahagi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso noong araw ng Sabado sa kanyang pagbisita sa San Pablo City, Laguna ang kanyang “Food Production Strategic Plan” para sa food security ng bansa sa ilalim ng kanyang pamamahala kung mahahalal bilang pangulo ng bansa.
“Because food security is extremely important and we are not producing enough food for the most basic needs of our people. We must, starting 2022, have a food production strategic plan, which will be the guide for the budget of all departments and other agencies directly involved in food production,” sinabi ni Moreno sa isang pagtitipon kasama ang mga coconut farmers sa Laguna.
Tinutukoy ni Moreno ang Department of Agriculture, Department of Fisheries and Aquatic Resources, Department of Agrarian Reform, at iba pang ahensya na may kaugnayan sa food production at sa distribusyon nito.
“Kasi ngayon, kada isang taon, pabagu-bago ang suporta sa agrikultura. Kailangan may food production plan. Kailangan may direksyon ang pag-tosgas (gastos) ng pamahalaan. At ito ang paghuhugutan ng 5-year medium term spending bilang suporta sa food production,” paliwanag ni Moreno.
Ayon pa sa alkalde, kabilang sa 5-year plan ang pakikipagugnayan sa iba’t ibang pangunahing stakeholders sa sektor ng food production.
“Hindi na pwede yung panaka-nakang mga interventions, tulad nangyari sa hog industry. Hindi naagapan ang pagpasok ng African Swine Fever; nalugmok ang mga magba-baboy, lalo na yung mga backyard hog raisers. Resulta nito, tumaas ng todo-todo ang presyo ng karne ng baboy. Tapos importasyon na naman ang madaliang solusyon,” ani Moreno.
“In short, there must be a directional strategy, supported by farmers, food processors, lahat ng kaukulang sektor, at dito naka-base ang budget ng pamahalaan bilang tulong sa magsasaka, mangingisda, tungo sa food security ng ating bansa,” dagdag pa niya.
Kabilang ang mga nabanggit na plano sa mga inimungkahi ni Moreno noong araw ng Biyernes, sa isang live Zoom discussion-meeting kasama si dating agriculture secretary Leonardo Montemayor at dating undersecretary Ernesto Ordonez ng Department of Trade and Industry.
Ayon kay Moreno, kung maihahalal siyang presidente sa susunod na taon, agad siyang pipirma ng isang executive order na magpapahinto sa lumalaganap na “unchecked” land conversion ng mga lupang sakahan sa bansa.
Ang kanyang panukalang National Land Use Act (NLUA) ay naglalayong bumuo ng national land-use authority na titingin at mamamahala sa mga lupain sa bansa, ito rin ang mga mag-uuri sa mga lupa ayon sa paggamit: protection (for conservation), production (for agriculture and fisheries), settlements development (for residential purposes), at infrastructure development (for transportation, communication, water resources, social infrastructure).
“I’m all for development, but not if it sacrifices our goals to food sufficiency. We must ensure that agricultural lands should stay as agricultural lands,” saad ni Moreno.
Noong araw ng Sabado, kasama ni Moreno ang kanyang running mate na si Dr. Willie Ong at ang buong Aksyon Demokratiko senatorial slate kabilang sina Dr. Carl Balita, Samira Gutoc, at Jopet Sison sa San Pablo City, Laguna, at sa Candelaria at Tiaong sa Quezon Province bilang parte ng kanilang “Listening Tour.”
(By: Aj Lanzaderas Avila)
