Muling sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na maaaring makalapit ang mga ‘non-Manila residents’ sa kanilang pamahalaang lungsod upang makakuha ng anti-Covid drugs tulad ng Remdesivir, Tocilizumab, Baricitinib, at Molnupiravir, kasabay ng muling pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
“Sa ating mga kababayan na naghahanap ng gamot, welcome po kayo sa Maynila. Ang importante, mabuhay yung tao, mailigtas yung tao, kahit sino pa siya. Sa Maynila, walang mayaman, walang middle class, walang mahirap. Lahat pantay-pantay. They can avail these medicines. Basta mabuhay lang yung tao,” sinabi ni Moreno.
Naging abala si Moreno at ang mga kawani ng Manila City Hall sa pamimigay ng gamot na Molnupiravir sa mga indibidwal na tinamaan ng mas nakakahawa ngunit hindi gaanong delikado na Omicron variant.
Ang Molnupiravir ay ang kaunaunahang anti-viraldrug na napagalamang nakakapagpababa sa “risk of hospitalization” at pagkamatay ng mga pasyenteng may Covid ng 50 porsyento. Napipigilan din nito ang mga mild at moderate cases ng Covid-19 na lumala sa kondisyon na ang gamot ay ay kailangang mainom sa unang limang araw ng impeksyon.
Nakabili ng 40,000 capsules ng Molnupiravir ang Manila City government at naihatid na sa Sta. Ana Hospital noong Nobyembre.
Ayon pa kay Moreno, mayroon pang inaasahang delivery ng Molnupiravir sa lungsod ngayong katapusan ng Enero dahil sa mataas na demand sa gamot kasabay ng pagtaas ng mga kaso sa bansa.
“All they have to do is coordinate sa ating Manila Health Department or dun sa mga pinopost naming numero, tawagan lang nila at idedeliver natin at i-eextend natin yung mga gamot laban sa Covid-19. Reseta lang talaga kailangan. Kasi we could not dispense without the prescription,” ipinunto ni Moreno.
Noong araw ng Linggo, nanawagan si Aksyon Demokratiko vice presidential bet Dr. Willie Ong sa iba pang mga alkalde na sundan ang ginawa ni Mayor Isko na pagbili ng “life-saving drug” na Molnupiravir upang hindi na dumami pa ang mga namamatay sa sakit na dala ng virus.
“Meron po akong appeal sa ating butihing mayors, kasi kailangan focus tayo sa gamot. Sa ating mga butihing mayors, sa NCR (National Capital Region), sa probinsya, bumili na kayo ng gamot sa Covid,” ani Ong.
“Ang tunay na gamot sa Covid sa ngayon, meron tayong Molnupiravir na 30 percent effective, meaning na pag ibinibigay sa mild to moderate Covid patients, 30 percent less hospitalization, 30 percent less death,” dagdag pa niya.
Umapela si Ong matapos makapagtala ang bansa ng 265 fatalities noong Sabado na ikinumpara ng doktor sa bansang South Africa kung saan nagmula ang Omicron variant, at ipinuntong 57 lamang ang namatay doon sa unang araw ng surge.
Ayong kay Ong, ang mataas na bilang ng mga namamatay ay maaaring konektado sa kakulangan ng gamot, pampublikong ospital, at libreng “health care” para sa mga mahihirap.
“Bakit? Baka yung gamot natin hindi na naibibigay, baka yung mahihirap natin hindi na naipapasok sa ospital ng libre kaya sa bahay na lang nagse-self medicate kaya namamatay. Yung lang naman yun, kulang sa gamot, kulang ka sa ospital, kaya mas marami namamatay,” ayon kay Ong.
Sinabi rin ni Ong na may sapat na suplay ng Molnupiravir at iba pang gamot kontra Covid-19 ang pamahalaang lungsod ng Maynila dahil sa paghahandang ginawa ni Mayor Isko, ngunit hindi nito kayang suplayan ang buong bansa.
Dahil dito, pinayuhan ni Ong ang mga alkalde na bumili muna ng inisyal na 500 courses ng Molnupiravir dahil may lalabas na bago at mas epektibong gamot kontra Covid sa unang linggo ng Pebrero.
“Kung kayo ay nasa NCR, order muna kayo nitong Molnupiravir. Diyan sa mga probinsiya, order na rin tayo kasi magsa-surge din diyan after a few weeks, baka delayed lang ng two weeks or three weeks,” ani Ong.
Pinayuhan niya rin ang mga ito na maglagay na ng paunang order para sa Paxlovid na pinapaniwalaang napapababa ang “hospitalization and death” ng 87 porsyento. At dahil hindi nagbebenta ang Pfizer ng Paxlovid sa mga local government units, sinabi ni Ong na ang generic form nito na Vexovid ang maaari nilang bilhin.
“Meron generic na mabibili natin, itong Vexovid, parehong-pareho ito sa Paxlovid na Nirmatrelvir + Ritonavir. Meron ng maoorderan niyan, nagkalat na sa Viber ng mga duktor. alam na alam na nila ito. Sa mga mayors order na tayo. We have to buy the medicines as fast as possible,” sinabi ni Ong.
“Vexovid, order kayo ng mga 500 courses din. Dito kami sa Maynila, umorder na kami ng Vexovid. Kami ang unang umorder,” dagdag pa niya.
Mabilis namang pinabulaanan ni Ong na pulitika ang nagtutulak sa kanyang adbokasiya sa pagbili ng mga nasabing gamot.
“Walang politika dito, this is life-saving. Ako, habulin ko lang na mabuhay ang tao. Kaya ito ang pino-force ko. I am forcing the country to follow this path. I am forcing the doctors and the politicians to follow this path. This is the correct path,” ipinunto ni Ong.
