By: AJ Lanzaderas Avila

Mas pinalawak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang ‘booster shot caravan’ ng pamahalaang lungsod ng Maynila, matapos niyang buksan ang Luneta drive-thru vaccination site para sa mga 4-wheel vehicles upang mas palakasin ang kampanya kontra COVID-19 sa gitna ng Omicron surge sa Metro Manila.

“Due to the request of our constituents and the people, i-innovate natin itong vaccination drive thru dito sa Luneta. Imbes na first dose at second dose lang, gagamitin natin siya ngayon na drive-thru booster vaccination site para sa 4-wheel vehicles,” sinabi ni Moreno matapos inspeksyunin ang vaccination facility.

Nagsimula na ang operasyon ng drive-thru booster shot site noong araw ng Huwebes, Enero 13, 8 a.m. to 5 p.m. na naglalayong makapagbakuna ng mahigit 1,500 na indibidwal kada araw.

Tatanggap ang pasilidad ng 300 vehicles na hanggang 5 pasahero ang laman kada sasakyan at “first come, first served basis.” Ang mga indibidwal na hindi naman makakaabot sa quota ay bibigyan ng numeron na magagamit para sa susunod na araw.

“Mga jeep, taxi, private cars, maski Grab, dalhin po ninyo ang inyong pamilya, at mga negosyante, dalhin po niyo mga empleyado ninyo. Puwede po kayong magtungo dito sa Luneta,” ayon kay Moreno.

Kinakailangan lamang umanong ipresenta ang vaccination cards, digital man o physical, na inisyu ng pamahalaang lungsod ng Maynila o ng kanilang LGU.

“Kikilalanin namin yung mga vaccination card ng taga-Metro Manila, taga-Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Ilocos, Bicol… lahat ng nakakapalibot sa NCR. Kahit taga-saan kayo, tatanggapin namin yung inyong vaccination card. At kayo ay babakunahan ng booster shot,” ani Moreno.

“We welcome you to the City of Manila. Basta tayo tulong-tulong muna, ang importante ma-booster yung tao, mabakunahan yung tao para maiwasan ang kamatayan sa infection ng COVID-19,” dagdag pa niya.

Binuksan ang Luneta. 4-wheel drive-thru booster shot facility kasunod ng matagumpay na operasyon ng 2-wheel drive-thru facility sa Kartilya ng Katipunan, o kilalang Bonifacia Shrine, na nakapagbakuna sa mga motorcycle drivers ng Grab, Angkas, Lalamove, Shopee, Mr. Speedy, Food Panda, at Lazada, maging ang mga nakabisikleta.

Tuloy-tuloy din ang ginagawang pagbabakuna sa mga pamahalaang lungsod at healther centers, mga paaralan, shopping malls, at iba pang special sites.

At bilang parte ng pinalawak na Booster Caravan, inutos ni Mayor Isko na magsagawa ng on-site booster shot sa libo-libong construction workers na gumagawa sa mga proyekto ng pamahalaang lungsod.

“So ngayon, palalakasin pa natin, palalawakin pa natin, ilalapad pa natin ang yakap. Yayakapin natin hangga’t kaya nating yakapin kahit sino, kahit taga-saan. Basta importante, tao muna, mabuhay ang tao, maligtas ang tao, maligtas kayo,” salaysay ni Moreno.

“Ang importante, mabilis ang kilos, tunay na solusyon, mabilis ang aksyon. Yun lang ang importante, bakuna, bakuna, bakuna. Kung sino ang gustong magpa-bakuna, titirahin natin,” dagdag pa niya.

Nanawagan din si Moreno sa mga tao na magpabakuna kontra Covid-19 sa lalong madaling panahon.

“Magpabakuna na kayo. This is about the protection of your family, of your neighbors, of our community, of our city, and of our country,” panawagan ni Moreno.

Nagbabala rin si Moreno na handa na ang pamahalaang lungsod na ipatupad ang ordinansa na maglilimita sa mga hindi pa bakunadong indibidwal.

“We are about to publish (ordinance). Gusto kong iparamdam sa inyo na may gobyerno, na inuunawa kayo, but at the end of the day, ang lahat ng bagay ay may tuldok. I hope makinig yung mga taong hindi pa nagdedesisyon,” ani Moreno.

“Kung kinakailangan na proteksyonan natin ang higit na nakararami, sa ating kababayan na nagdesisyon, nagmalasakit sa sarili at tumugon sa pamahalaan, at naki-isa sa pamayanan na nagpabakuna, then I think it’s high time to police those who are unvaccinated and to regulate their movements to protect others,” dagdag pa niya.

Leave a Reply