By: Francis Pio
––
Plano ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na palawigin ang drive-thru booster shots para sa mga couriers dahil sa pagdagsa ng daan-daang delivery workers na nakamotorsiklo at gayun din ang mga nagbibisikleta sa facility sa Bonifacio Shrine sa ilang oras pa lamang ng pagbubukas nito.
“Pag ni-request nila, we will be happy to be of service,” sinabi ni Mayor Isko Moreno Domagoso nang makita ang daan-daang mga driver mula sa Grab, Angkas, Lalamove, Shopee, Mr. Speedy, FoodPanda, at Lazada, bukod sa iba pa, na matiyaga at maayos na pumila sa pasilidad para sa libreng booster shots upang mas maging protektado sila mula sa nakamamatay na virus, lalo na sa bagong Omicron variant.
“Masaya kami kasi nagpabakuna sila, naproteksyonan sila, naproteksyonan ang customer nila, naproteksyonan ang pamilya nila, tapos hindi nasayang ang araw ng kita. They still have the whole day to go around para maghanapbuhay. Hindi nabalam ang hanapbuhay, protektado ang lahat, panatag ang lahat,” dagdag pa ni Mayor Moreno.
Sinabi ng 47-anyos na local chief executive na si Moreno na nasa 300 drivers na ang nakapila nang magbukas ang pasilidad alas-8 ng umaga at marami pang dumating.
Sa ngayon, ipinakita rin ng datos na pito sa 10 delivery drivers na nabakunahan ng libreng booster shots ay mga hindi taga-Maynila.
Dahil dito natuwa at nagpasalamat si Mayor Isko Moreno sa mga drivers na hindi taga-Maynila na nagtiwala sa Lungsod.
“Maraming salamat sa pagtitiwala ninyo sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila at pumunta kayo dito para magpabakuna at maproteksyonan ang bawat isa,” sinabi ni Moreno sa mga drivers na hindi Manilenyo.
“Dito naman, kapag gusto pa nila, one to sawa. As we go along, tignan natin, but be that as it may, tuloy-tuloy. Kung kelan sila convenient, yayakapin natin hanggat kaya natin,” ayon pa kay Mayor Moreno.
Samantala, sinabi ni Moreno na inaprubahan ng pamahalaang lungsod ang pagpapatuloy ng booster shot night vaccination sa Divisoria ngayong Huwebes ng gabi sa kahilingan ng mga driver, vendor at delivery boys na bumibiyahe at naghahanapbuhay sa lugar.
“Kagabi, 754 na driver, pahinante, tindera, kargador ang nabakunahan natin. Ngayon, nagre-request sila kasi yung ibang biyahero sa Northern Luzon, Central Luzon, Southern Luzon na papunta ng Maynila, bagong set naman yon. Titirahin namin uli mamaya. Mamayang gabi, tira uli,” ika niya.
Sa mabilis na pagtaas ng mga kaso dahil sa mas nakakahawang Omicron variant, sinabi ni Moreno na kinakailangan para sa publiko na maturukan ng kanilang mga booster shot, o mabakunahan sa lalong madaling panahon.
“Magpabakuna po kayo, ito po ay magiging pandemya ng hindi bakunado. Kapag hindi ka bakunado, mas mataas ang porsyento na ma-infect ka. At pag na-infect ka na hindi ka bakunado, mas mataas ang risk,” ayon kay Moreno.
“Mahalin ninyo ang inyong mga sarili, proteksyonan ninyo ang inyong mga sarili,” dagdag pa niya.
Nagpaalala rin ang Aksyon Demokratiko standard bearer sa publiko laban sa mga fake news at pulitikong laban o tutol sa pagpapabakuna.
“Huwag maniwala sa mga ‘marites’ at mga politiko na ayaw ng bakunahan. Maniwala po tayo sa mga scientists, sa World Health Organization (WHO), sa mga doctors, kasi ito ay health crisis,” ika niya.
“The only way to solve this is through science. Sa pamahalaan, at sa opisyal ng gobyerno, sa opisyal na panawagan at alituntunin, yun ang dapat nating sundin,” dagdag pa ni Moreno.
